 |
10 minutong biyahe
Jeraika Tio
Huwebes, Mayo 20 2004, dahil kailangang ipa-change oil ang kotse naming kaya sa araw na ito, wala kaming kotse. Una ay dapat mananatili lamang kami sa bahay dahil ayon sa balita nung araw na iyon, may bagyong paparating sa Pilipinas. Ngunit nagdesisyon si Papa at Mama na pumunta na lang kami sa RP (Robinson's Place) para mamasyal gamit ang pampublikong sakayan !V LRT. Noong una ay ayaw kong sumama dahil malamig nuong araw na iyon at masarap magkulong at matulog sa kwarto. Ngunit napag-isip ko na sumama na lang para makasakay naman ako ng LRT, dahil sa katunayan ay sa labing-limang taon kong pamamalagi sa mundong ito, hindi pa ako nakakasakay ng LRT. Sumakay kami ng tricycle papunta sa sakayan ng LRT. Habang papaakyat ako, ako!|y nagulat nang nakita ko ang isang taong-grasa na natutulog sa isang sulok. Nakaramdam ako ng awa sa kanya, masarap ang kanyang tulog at tanghali na nun, naisip ko na siguro nga ay mas gusto niyang matulog na lamang kaysa makita at maramdaman ang kaguluhan ng mundong kinagagalawan nating lahat.
Ayon sa aking Mama, swerte na daw ako dahil ang LRT ngayon ay mayroon nang air-con at hinihiwalay na ang mga lalake sa babae. Hindi tulad dati, napakainit sa LRT at ang ibang mga lalake ay hindi gaanong nirerespeto ang mga babae. Nanatili akong nakatayo dahil gusto kong makita ang kapaligiran gamit ang ibang anggulo. Habang nasa LRT ako, nakita ko ang Ilog Pasig at ako ay nagualat. Hindi na itim ang kulay nito kung hindi ay ang pinaghalong berde, itim at dark blue. Lungkot ang aking naramdaman dahil naisip ko na hindi binibigyang pahalaga ng ibang tao ang biyaya na binigay sa atin ng Diyos. Pero sa kabutihang palad, ay may iba pa ring nagpapahalaga sa ating kapaligiran. Nakita ko rin ang dami ng mga pulubi na gumagala sa lansangan. Mga batang pulubi pa ata ang naghahanapbuhay sa pamamagitan ng paglilimos para sa kanilang pamilya.
Mabilis natapos ang 10 minutong bihyahe. Mabilis man, marami akong natutunan dito at nakita. Tinuruan ako nitong laging pahalagahan ang lahat ng nasa akin at nasa paligid ko, gaano man ito kaliit, at maging kuntento sa kung anong meron sa akin. Mas marami pa dyan ang naghihirap para lang makuha ang kanilang munting hiling na hindi binibigyang halaga ng iba.
|
 |